Ebanghelyo: Mateo 4:18-22
Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”
Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.
Pagninilay
Sa kapistahan ni San Andres na kinakapatid na San Pedro, ipinahayag sa ebanghelyo na siya ay isa sa unang apat na mga alagad na tinawag ni Jesus na maging mga apostol. Isa sa mga turo ng ating simbahan ay ang pagiging apostoliko, na nangangahulugang nagsimula ito sa panahon pa ng mga apostol. Ito ay tanda ng katiyakan na ang ating Simbahan ay tunay na itinatag ni Kristo na ating Tagapagligtas. Hinubog ni Jesus ang kanyang mga apostoles upang maging ganap na alagad. Totoong nakasalamuha nila si Jesus, narinig nila ang kanyang salita, naging saksi sila sa maraming himala na ginawa niya at maraming pagkakataon din na hindi nila agad naintindihan kung ano ang ibig sabihin ni Jesus. Bukod sa lahat, sila ay naging mga saksi sa kamatayan at ang muling pagkabuhay ni Jesus. Sila rin ay ipinadala sa buong mundo upang ipangaral ang ebanghelyo para sa kaligtasan ng lahat. Tayo rin ay inatasan ngayon na maghatid ng kagalakan ng ebanghelyo sa sangkalupaan. Nawa’y gampanan natin ito ng lubos at may kasiya-siyang kalooban.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021