Ebanghelyo: Lucas 17:1-6
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa tao ngunit sawimpalad ang taong naghahatid nito! Mas makabubuti pa sa Kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito. Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya, at kung magsisi’y patawarin mo. At kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mo siya.” Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong malaigos na iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim,’ at susundin kayo nito.Pagninilay
Hindi madaling magpatawad. Isa itong realidad ng buhay batay sa ating karanasan lalo’t higit kung ang taong nagkasala nang malaki ay isang taong malapìt sa ating buhay. Tayo’y nasaktan at nabigo, pinagtaksilan at binalewala, nadungisan at nagkalamat ang relasyon. Nagsisisi man ang taong sa ati’y nagkasala, paano kung sariwa pa ang sugat dala ng kasalanan at hindi handa ang ating mga puso na magpatawad? Hindi man madali subalit ating alalahaning ang pagpapatawad na hinihiling sa atin ay una na nating nakamit mula kay Jesus na nagpatawad sa atin. Hindi madali kung kaya’t gaya ng mga apostol, hilingin din natin sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.© Copyright Pang Araw-Araw 2019