Ebanghelyo: Lucas 19:41-44
Nang malapit na Siya at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Jesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. “Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak, at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.Pagninilay
Bakit humantong ang ating mundo sa ganito? Hindi matapostapos ang kaguluhan at karahasan sa bayan. Malalim ang sugat na iniwan ng nakaraang kasaysayan ng hidwaan ng magkakaibang panig ng kultura, relihiyon, paniniwala at ideyalismo. Ngunit sa bandang huli, lahat ay nananatiling mga biktima. Kung pagmamasdan ni Jesus ang ating bayan, marahil ay lubos din siyang tatangis. Nalimutan at hindi na nga rin ba natin nakikita ang “daan sa kapayapaan?” Patuloy man ang hidwaan sa mundo, nananatili ang katotohanang patuloy ring dumadalaw at namamalagi ang Diyos. Patuloy siyang gumagalaw sa bawat busilak na ngiti ng mga bata, sa bawat kamay na umaakay, sa bawat yakap ng pagpapatawad, sa bawat salitang kumakalinga at sa bawat tiklop-tuhod na nananalangin.© Copyright Pang Araw-Araw 2019