Ebanghelyo: Lucas 21:29-33
At sinabi ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga: “Tingnan ninyo ang punong-igos at ang ibang mga puno. Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-init. Gayundin naman, pag napansin ninyo ang mga ito, alamin ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita.Pagninilay
Tunay ngang may mga bagay na hindi pinaglulumaan ng panahon. May mga lumang awit na patuloy pa ring nagduduyan sa ating mga puso. May mga pagkaing hindi pinagsasawaan, mga lutuing minana pa at ipinasa ng lola ng lola. Ganon din ang salita ng Diyos. Hindi ito naluluma at pinaglilipasan ng panahon. Bawat salitang binigkas ni Jesus sa Ebanghelyo ay nananatiling bago sa buhay ng tao. Gumagalaw ang Salita ng Diyos sa iba’t-ibang panahon at sa bawat henerasyon. Samakatuwid, hamon sa atin ang maging bukas at matalas sa bawat pagpapahayag ng Kanyang salita sa ating paligid at ang pagpapamalas ng Paghahari ng Diyos sa ating panahon.© Copyright Pang Araw-Araw 2019