Ebanghelyo: Lc 12: 54-59
Sinabi rin ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita ninyong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad ninyong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi ninyong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan ninyo ng kahulugan ang anyo ng lupa at langit pero bakit hindi ninyo sinusuri kung ano ang panahong ito? At bakit hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipagareglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababaya-ran ang kahuli-hulihang sentimo.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo, hangad ni Jesus na maging bukas at mulat tayo sa iba’t-ibang mga palatandaan na dumarating sa ating buhay. Marami sa mga palatandaan na ito ay hindi maitatatwang pinadala sa atin ng Diyos. Ang iba namang palatandaan o pahiwatig ay maaaring nagmumula sa mga taong malalapit sa buhay natin gaya ng ating pamilya, mga kaibigan at mga kasama sa trabaho. May mga pagkakataon na ito’y nagmumula sa mga taong, bagamat panandalian lamang ang pagdaan nila sa buhay natin, ay maituturing naman nating nagkaroon ng mabigat na impluwensiya sa ating buhay. Gayun pa man, madalas na mas pinipili nating balewalain ang mga palatandaan. Lalo na kung dumating ang mga ito sa buhay natin na may dalang pait o pighati, sakit o pagkapoot, o maging pagkatakot. Sa kabila ng mga dumarating na pagsubok, dagok at trahedya sa buhay, makatatagpo pa rin tayo ng kagandahan dito o beauty in the midst of chaos. Ang mahalaga ay imulat natin ang ating mata at hayaang gumalaw ang mga kamay ng Diyos sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw – araw 2024




