Ebanghelyo: Lucas 11:15-26
Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa langit. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahatihati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Di nga ba’t sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Pero kung
salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat. Kapag lumabas sa tao ang maruming espiritu, nagpapalabuy- laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Pero wala siyang natatagpuan at sinasabi niya: ‘Babalik ako sa inalisan kong tirahan.’ Pagdating niya, natatagpuan niya ito na nawalisan na at maayos pa. Kaya naghahanap siya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa kanya; pumapasok ang mga
ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taong iyon kaysa dati.”
Pagninilay
“Pagpapakumbaba at Pag-uunawaan.” Itinuturing ng marami na
ang pagtangis bilang tanda ng kahinaan ng tao. Pero ipinababatid sa atin ng Unang Pagbasa na ang pagtangis din ay tanda ng kalakasan at kapakumbabaan. Larawan ng pagkikilala sa mas nakakahigit sa atin at tanda ng kalakasan sa pagpapasailalim sa nakatataas sa atin. Ito ay walang iba kundi ang pagpapasailalim sa tulong at awa ng Diyos sa ating buhay. Sa Ebanghelyo, binibigyang diin ang pagkawatak-watak at paghahatihati ng komunidad, pamilya, relasyon, sa trabaho, paaralan o kaya ay sa pamahalaan. Hindi magkasundo dahil sa kaibahan ng bawat miyembro. Hindi magkasundo, hindi magkaunawaan at hindi magkatagpo ang kagustuhan ng bawat isa Ngunit kung titingnan ang pagtangis at pagluluksa sa Unang Pagbasa bilang tanda ng kapakumbabaan ay makakamit natin ang kapayapaan at pagkakaisa. Kung titingnan ang kapakumbabaan bilang kapangyarihan ng malaking pagmamahal natin sa bawat isa ay magtatamo tayo ng tahimik at magkakasundong tahanan at pamayanan. Kung ang bawat isa ay marunong umunawa at magpakumbaba, patuloy na maghahari sa atin ang pag-ibig ng Diyos at patuloy tayong magtatamasa ng magagandang bagay hindi lamang sa ating kapakanan, kundi pati na rin sa ibang tao. Sa panimula ng synthesis report ng Sinodo inilalarawan ang kalagayan ng mga tao – “ang pagtangis ng mga maralita ay nakakabulabog,
lalo ang mga migrante, ang mga nahihirapan dahil sa karahasan at sa epekto ng pagbabago ng panahon, “climate change.” (rf. XVI Ordinary
General Assembly of the Synod of Bishops, A Synodal Church in Mission, Introduction)
© Copyright Pang Araw-araw 2025