Ebanghelyo: Lucas 11:47-54
Sawimpalad kayong nagtatayo ng mga puntod sa mga propetang pinatay ng inyong mga ama. Sa gayon ninyo inaamin at sinasang-ayunan ang mga ginawa ng inyong mga ama; iniligpit nila ang mga propeta, at makapagtatayo na kayo ngayon. (Sinabi rin ng Karunungan ng Diyos:) Nagsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila. Kayat papapanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa dugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, papapanagutin ang salinlahing ito. Sawimpalad kayong mga guro ng Batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinadlangan pa ninyo ang mga makapapasok.” Pagkatapos ay umalis si Jesus at sinimulan naman ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na mahigpit na makipagtalo sa kanya. Pinapagsalita nila siya tungkol sa maraming bagay at pilit na sinisilo sa anumang sinasabi niya.
Pagninilay
Muli nating mababasa sa Ebanghelyo ang pagnanasa ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na makipagtalo kay Jesus. Napakarami na áng pinaslang mula pa kay Abel hanggang kay Zacarias dahil sa katuwiran, hustiya’t katarungan. Gayundin din naman, tila si Jesus ay walang ligtas sa kanilang mga kamay na naghahangad na siya’y lupigin. Ngunit pinatunayan ni Jesus na siya’y malaya at ang katotohanan ang nagpapalaya sa kanya. Kung kaya walang sinuman ang maaaring gumapos sa kanya dahil sa mata ng kanyang dakilang Diyos Ama, batid niya kung sino siya at kung ano ang misyon niya sa mundong ito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020