Ebanghelyo: Lucas 12:1-7
Nang magkatipon ang libu-libong tao hanggang magkatapakan na sila, sinimulang sabihin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat muna kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na walang iba kundi ang pagkukunwari. Walang tinatakpan na di mabubunyag, walang natatago na di malalaman. Kaya naman, ang sinabi ninyo sa dilim, sa liwanag maririnig; at ang ibinulong ninyo sa mga kuwarto, sa bubungan ipahahayag. Sinasabi ko naman ito sa inyo na mga kaibigan ko: huwag ninyong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawa pa. Ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, ito ang katakutan ninyo. Di ba’t ipinagbibili nang dalawang pera ang limang maya? Subalit isa man sa kanila’y di nalilimutan ng Diyos. Bilang na pati ang lahat ng buhok sa inyong ulo. Huwag kayong matakot; mas mahalaga pa kayo kaysa maraming maya.
Pagninilay
Marahil ay hindi natin lubusang maunawaan na ang mga taong biktima ng karahasan ay mas mahalaga pa kaysa sa maraming maya. Ngunit ito ang paanyaya ni Jesus sa atin, na huwag matakot at magtiwala sa Kanyang dakilang awa. Alalahanin natin na ang buhay ay puno ng mga pagsubok. Nawa’y pagtibayan pa ang ating pananampalataya sa Diyos na nangangakong ipagkaloob sa atin ang kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan pagdating ng nakatakdang panahon. Idalangin natin na bigyan tayo ng isang dalisay na puso at iwasan ang kahit anong pagkukunwaring nakakasira sa ating tunay na pagkatao sa mata ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020