Ebanghelyo: Lc 11: 42-46
Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon. Sawimpalad kayong mga Pariseo! Gustoninyong mabigyan ng pangunahing upuan sa mga sinagoga at mabati sa mga liwasan. Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at di man lang nila namamalayan.“ Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito.“ At sinabi ni Jesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga napakabibigat na pasanin, ngunit ni isang daliri ay ayaw ninyong igalaw para tulungan sila.
Pagninilay
Ang buhay na nakatuon sa kabutihan ay isang buhay na naaayon sa kalooban ng Diyos. Kaya naman, muling pinangaralan ni Jesus ang mga Eskriba at mga Pariseo. Nakatuon lamang sila sa pagsunod sa batas at ito ang natatangi nilang alam upang maging mabuti. Ito ay kulang sapagkat nagiging transaksyunal lamang ang pagsunod at hindi nakatuon sa paghuhubog ng kalooban. Hindi ito sapat para kay Jesus, na siyang gabay natin patungo sa Ama. Tayo rin ay pinapangaralan at pinaaalalahanan na hindi sapat ang pagsunod lamang sa batas nang hindi natin nababatid ang dahilan at espiritu nito. Ang mga batas ay nilikha hindi para sa mga pansariling kaginhawahan o tugunan ang luho ng katawan. Ito ay para sa pagpupuri sa Diyos at pagtataguyod sa kabutihan ng kapwa. Darating ang panahon wika ng Diyos na itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan (Jer. 31:33).
© Copyright Pang Araw-araw 2024