Ebanghelyo: Lucas 12:39-48
Isipin ninyo ito: “kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.” Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwain ng panginoon sa kanyang mga tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain siya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang panginoon ko’ at simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na di niya inaasahan at sa oras na di niya nalalaman. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-tapat. Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban niya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban niya ngunit gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.
Pagninilay
“Tayo’y pinagkakatiwalaan.” Madaling tuparin ang isang utos kung nakikita tayo ng nag-uutos, subalit kung ang utos ay isinangla na lamang sa pagtitiwala (o kung wala na tayo sa paningin ng mga nag-uutos) madali pa kaya itong tupdin? Sa mga pagkakataon kung kailan tayo ay pinagkakatiwalaan ang ibinibigay nating kapalit ay ang kasiguraduhan ng ating katapatan. Ang katapatan ay isang napakahalagang bagay sapagkat
kaakibat nito ang ating dangal, reputasyon, at pangalan. Ang pagsira sa tiwalang ibinigay sa atin ay isang uri ng pagsira sa ating katapatan, at ang pagsira natin sa ating katapatan ay pagsira natin sa ating mga sarili. Subalit, tunay nga bang mahirap ang manatiling tapat? Mahirap na kung sa mahirap subalit kaya itong gawin sa pamamagitan ng pagkapit sa pagibig ng Panginoon na nasasalamin sa kanyang pagtitiwala. Kaya tayo pinagkakatiwalaan ay dahil alam nilang tayo’y mapagkakatiwalaan. Ang pag-ibig ng Panginoon (Pagtitiwala) ay marapat lamang na tumbasan natin ng ating pagibig (katapatan).
© Copyright Pang Araw-araw 2025