Ebanghelyo: Lucas 12:54-59
Sinabi rin ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita ninyong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad ninyong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi ninyong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan ninyo ng kahulugan ang anyo ng lupa at langit pero bakit hindi ninyo sinusuri kung ano ang panahong ito? At bakit hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
Pagninilay
“Hindi masusukat ang kagandahang-loob ng Diyos.” Gaano kabuti ang Panginoon? Kaya ba nating sukatin ang kanyang kagandahang-loob? Bago pa man tayo makasagupa ng mga suliranin sa ating buhay, binibigyan na agad tayo ng Panginoon ng palatandaan upang hindi na natin makasagupa ang mga suliraning ito, madalas hindi lang natin ito nakikita. Tulad sa Mabuting Balita, ang pagkakataon ng pagpunta ng dalawang taong magkaaway sa hukom ay pagkakataon ng isang palatandaan para sa katotohanan. Ang bawat pagpatak ng segundo, ang bawat mga hakbang, at ang bawat paghinga habang daan patungo sa hukom ay mga “maliliit na palatandaan” upang tayo ay hindi masakdal – mga paanyaya sa kababaan ng loob. Ang mga pagkakataong ito ng mga senyales na ibinibigay sa atin
ay hindi natin dapat sayangin, at hindi natin dapat isantabi. Palagian sana nating makita ang mga ito sa pamamagitan ng palagiang pagsasa-isip ng kabutihan ng Diyos na laging nakahandang umayuda sa atin. Ganyan kabuti ang Panginoon, at hindi natin kayang sukatin ang kanyang kagandahang-loob.
© Copyright Pang Araw-araw 2025