Ebanghelyo: Lucas 13:1-9
Dumating naman ang ilang tao na nagbalita kay Jesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga-Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa akala ba ninyo’y mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, pero kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.” At sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta siya
para maghanap ng mga bunga pero wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa nag-aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo iyan at pampasikip lang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na siya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga siya ngunit kung hindi’y saka mo siya putulin.”
Pagninilay
“Mapagpatawad at matulungin ang Diyos.” Laging handa ang Diyos na bigyan tayo ng napakaraming pagkakataon upang magbago. Nakahanda lagi siyang magpatawad at tutulungan pa niya mismo tayo upang magkaroon ng kababaan ng loob upang tayo ay makahingi ng awa at patawad. Mahirap para sa atin na humingi ng tawad, at kung hindi dahil sa kabutihang-loob ng Diyos hindi tayo makakahingi ng tawad, sapagkat tayong mga tao ay palaging may kapalaluan sa ating kalooban. Kapalaluan ang nagbubunsod sa tao na iangat ang kanyang mga paa sa lupa, iangat hanggang lumipad ng mataas – pataas ng pataas – at ito ang magdudulot ng kanyang pabulusok na pagbagsak. Upang hindi bumagsak kailangan ng kababaan ng loob, na magdudulot ng ating dahan-dahang pagbaba at hindi na muling mapalalong pagtaas, at ang nagbubunsod ng kababaang loob na ito ay hindi ang ating sarili kundi ang Panginoon. Kung wala ang kagandahang loob ng Diyos wala tayong kababaan ng loob. Wala tayong maipagyayabang sa Diyos, sapagkat maging ang lakas ng loob na humingi ng tawad ay hindi sa atin, ito’y sa Diyos. Ang kababaan loob ay napakahalagang saloobin (attitude) na nagdadala sa atin na sumunod sa kalooban ng Diyos at maging masunurin sa tawag ng panahon. (rf. International Theological Commission, Synodality in the life and Mission of the Church, no. 112)
© Copyright Pang Araw-araw 2025





