Ebanghelyo: Mc 10: 46-52
Dumating sila sa Jerico. At pag-alis niya roon kasama ng kanyang mga alagad at ng marami pang tao, may isang bulag na pulubi na nakaupo sa tabi ng daan – si Bartimeo, ang anak ni Timeo. Nang marinig niya na si Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan, nagsimula siyang sumigaw: “Kaawaan mo ako, Jesus, Anak ni David.“ Pinagsabihan siyang tumahimik ng mga tao pero lalo lamang niyang nilakasan ang kanyang sigaw: “Panginoon, Anak ni David, maawa ka sa akin!“ Huminto naman si Jesus at sinabi: “Tawagin ninyo siya.“ Kaya tinawag nila ang bulag: “Lakasan mo ang iyong loob at tumindig ka. Tinatawag ka nga niya.“ Inihagis nito ang kanyang balabal at paluksong lumapit kay Jesus. Kinausap ito ni Jesus at sinabing: “Ano ang gusto mong gawin ko?“ At sumagot sa kanya ang bulag: “Ginoo, makakita sana ako.“ At sinabi naman ni Jesus: “Sige, ang iyong pananalig ang nagligtas sa iyo.“ Agad siyang nakakita at sumunod siya kay Jesus sa daan.
Pagninilay
Ang sinumang tumatawag sa Panginoon ay Kanyang dinirinig at pinapakinggan. Sa ebanghelyo, si Bartimeo na isang pulubi at bulag ay tumawag kay Jesus upang siya ay kaawaan at pakinggan. Sa kabila ng pagsuway sa kanya ng mga tao at pagsasabing siya’y manahimik, mas pinili niyang lakasan ang kanyang sigaw upang makuha ang pansin ni Jesus. Hindi siya nabigo at si Jesus ay pinag-ukulan siya ng panahon. Gayun din naman, nang siya’y tanungin ni Jesus kung ano ang kanyang nais, si Bartimeo ay hindi na nagpatumpik-tumpik sa kanyang nagging tugon: “Ginoo, makakita sana ako.” Ang kanyang pananalig sa kapangyarihan ni Jesus ang nagligtas sa kanya
at nagkaloob sa kanya na muling makakita.
Ganito rin sa ating buhay, kinakailangang lumapit at tumawag tayo sa
Diyos upang ipahayag ang ating mga hangarin. Sa pananalangin o pagdarasal
ay nabubuksan ang daan sa pagitan ng Diyos at tao upang maipahayag natin
ang ating mga saloobin at damdamin. Ang Diyos ay laging handang makinig
at magbigay ng panahon at oras para sa ating mga pangangailangan.
Gayun din naman, sa paglapit natin sa Diyos, mahalagang batid natin kung
ano ang nais natin. Huwag na tayong magpatumpik-tumpik pa sa harap ng
Diyos. Hindi naman kailangan pa ang marami at mahabang pasakalye. Kung
tutuusin, bago pa tayo dumulog sa Diyos, batid na Niya ang laman ng ating
puso. Kaya lumapit tayo sa Diyos ng may kababaang-loob at hilingin natin
sa Kanya na nawa’y pagkalooban Niya tayo ng lakas ng loob at malalim na
pananampalataya para sa katuparan ng ating mga panalangin.
© Copyright Pang Araw – araw 2024




