Ebanghelyo: Lc 6: 12-16
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
Pagninilay
Sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan nina Apostol San Simon at San Judas Tadeo. Halos wala tayong masyadong alam sa pagkatao ni San Simon, maliban na lang na siya ay nabanggit ng tatlong beses sa ebanghelyo. Ayon sa Gawa 1: 13, siya ay naroroon sa silid sa taas ng bahay na kanilang tinutuluyan kasama ang iba pang mga apostol pagkatapos na si Jesus ay umakyat sa langit. Sa tradisyon ng Simbahan siya ay naglingkod bilang isang misyonero sa Ehipto at naging martir sa Persia (Iran). Samantala, si San Judas Tadeo ay hindi ang Judas Iscariote na nagtaksil kay Jesus. Siya ang nagtanong kay Jesus habang sila ay nasa banal na hapunan: “Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipamamalas ang iyong sarili at hindi sa mundo” (Juan 14: 22). Kilala si San Judas Tadeo bilang Patron ng Pag-asa at mga Bigong Layunin. Sa kanilang kapistahan, hilingin natin sa Panginoon, na tulad nila, tayo rin ay maging mga tapat at masigasig na mga alagad at tagapagpalaganap ng Mabuting Balita. Nawa ang buhay natin ay maging buhay na saksi sa dakilang pag-ibig ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2024




