Ebanghelyo: Lucas 13:22-30
Dumaan si Jesus sa mga lunsod at mga nayon, na nangangaral habang papunta siya sa Jerusalem. May nagtanong sa kanya: “Panginoon, kakaunti nga ba ang maliligtas?” At sinabi ni Jesus sa mga tao: “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo: marami ang gustong pumasok at di makapapasok. Kapag tumindig na ang may-ari ng bahay at naisara na ang pinto, tatayo kayo sa labas na kumakatok at magsasabing ‘Panginoon, buksan mo kami.’ Sasagot naman siya sa inyo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo.’ Kaya sasabihin ninyo: ‘Kami ang kumain at uminom na kasalo mo, at sa aming mga lansangan ka nangaral.’ Pero sasagutin niya kayo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo. Lumayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama.’ Naroon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin pagkakita ninyo kina Abraham, Isaac, Jacob at sa lahat ng propeta sa kaharian ng Diyos, at ipagtatabuyan naman kayo sa labas. At makikisalo naman sa Kaharian ng Diyos ang mga darating mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga. Oo, may mga huli ngayon na mauuna at may mga una na mahuhuli.”
Pagninilay
“Isabuhay ang aral ni Jesus.” Sa paanong paraan natin isinasabuhay ang mga aral ni Kristo? Tayong lahat na binyagan ay may misyong ipalaganap at isabuhay ang pananampalataya ayon sa mga turo at halimbawa ng
ating Paginoong Jesus. Ito’y isang paraan upang tayo ay mapabilang sa kanyang pinaghaharian. Sa Ebanghelyo, ipinapakita sa atin na hindi nakikilala ng Panginoon ang mga gumawagawa ng masama. Oo, kabilang tayo sa simbahan sa diwa ng Sakramento ng Binyag ngunit hindi lamang hanggang dito ang ating ugnayan sa Diyos. Tayo rin ay dapat gumagawa ng
mabubuti, naglalapit ng ibang tao sa Diyos at lalo’t higit tayo ay tumatalikod sa kasalanan. Sa ganitong paraan ay makikilala tayo ng Diyos at tayo’y mapapabilang sa kanyang pinaghaharian. Huwag na nating hintayin ang oras na kung saan tayo ay kakatok at magmamawakaawa sa may-ari ng bahay upang tayo ay papasukin. Bagkus ngayon pa lang ay pagsikapan na ang pagiging karapatdapat na pumasok sa kaharian ng Diyos. Isabuhay ang pananampalataya, gumawa ng mga mabubuting bagay at higit sa lahat itakwil at talikdan ang kasalanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





