Ebanghelyo: Lucas 19:1-10
Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Jesus pagdaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.”
Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng
aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”
Pagninilay
Marunong si Jesus. Malayo ang Kanyang agwat sa mga nakakita kung paano Niya ituring si Zakeo. Sa isip nila: Dapat Niyang pinagsasabihan si Zakeo at hindi kinukunsinti. Dapat hindi pinararangalan sa pagpunta sa kanyang bahay. Dapat iniisnab. Pero ano naman kaya ang mangyayari pag ginawa ni Jesus iyon? Matutuwa ang mga mapaghusga, pero malulungkot si Zakeo at baka hindi na natuloy ang pinaka-iingatan sa kanyang puso: ang pagnanais na magbago.
Mabait si Jesus: Hindi Niya ipinahiya si Zakeo manapa’y pinansin at doon pa Siya tumuloy sa bahay ni Zakeo. At hindi naman Siya nagkamali. Hindi Siya nabigo. Sa harap ng marami, nangako si Zakeo na magbabagong- buhay. Ganyan kumilos ang Diyos!
Matiyaga si Jesus: Si Zakeo ay patuloy na nabubuhay hanggang ngayon. Marami nang Zakeo at kasama tayo sa bilang. Wala tayong ipinagkakaiba kay Zakeo. Hindi lamang halata ang ating makasalanang gawi pero alam ni Jesus. Pero ipinahiya na ba tayo ni Jesus? Inisnab na ba? Hanggang ngayon napakatiyaga ni Jesus sa ating lahat: pinahahalagahan, pinatatawad at minamahal. Ang bawat araw ay pagkakataon na magbagong-buhay. Nawa’y makita natin na ang buhay ni Zakeo ay isang paraan ng Diyos upang tayo’y gisingin sa ating pagwawalang- bahala at madama ang pagpapaalaala ni Jesus. At tulad ni Zakeo, ito nawa ang maging simula ng ating pagbabagong-buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022




