Ebanghelyo: Lucas 14:1-6
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. Nasa harap niya roon ang isang taong minamanas kaya nagtanong si Jesus sa mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Puwede bang magpagaling sa Araw ng Pahinga o hindi?” Hindi sila umimik kaya hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila: “Kung mahulog sa balon ang anak o ang baka ng isa sa inyo, di ba’t agad niya itong iniaahon kahit na Araw ng Pahinga?” At hindi nila siya nasagot.
Pagninilay
“Walang pinipiling oras ang paggawa ng kabutihan.” Ang paggawa ng kabutihan ay walang pinipiling oras o lugar. Ang lahat ng pagkakataon ay paanyaya sa atin upang isabuhay ang kabutihang itinanim ng Diyos sa ating mga puso. Lahat tayo na Kanyang nilalang ay mabuti at tinatawag upang magpamalas ng kabutihan hindi lamang sa sarili pati na rin sa ating kapwa. Walang kahit anong batas ang magbabawal sa atin upang gumawa ng mabuti. Sa araw na ito, ipinapaalala sa atin ng ating Panginoong Jesus na ang paggawa ng mabuti ay una kaysa sa anumang batas. Ipinakita ni Jesus sa mga Pariseo na ang pagpapagaling na para sa ikabubuti ng iba ay angat kaysa sa araw ng pamamahinga. Sa oras na hingin ng pagkakataon na kailanganin nating gumawa ng kabutihan, hindi dapat tayo magdalawang isip na gawin ito. Sapagkat ito ang nais ng Diyos na gawin natin lalo’t higit sa mga taong nangangailangan ng tulong. Nawa ay gawin nating inspirasyon ang ginawa ni Jesus na nagpagaling ng maysakit kahit na sa paningin ng mga Pariseo ito ay hindi nararapat. Hinahamon tayo na magkaroon ng pusong kagaya ng kay Jesus kung saan walang pinipiling araw o oras ang paggawa ng kabutihan para sa iba.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





