Ebanghelyo: Mateo 5:1-12a
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila. Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila.Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.
Pagninilay
Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagpapahayag ni Jesus ng tinatawag nating “Beatitudes”. Ito ay walong pagpapahayag ng pagpapala na winika ni Jesus sa simula ng Sermon sa Bundok. Sa bersyong ito, ginamit ang salita na “mapalad”, na tumutukoy sa estado ng pagiging mabuti. Pero mainam
din na isalin ito sa isa pang salitang Filipino na “pinagpala”. Minsan, kapag sinabing “mapalad”, tumutukoy ito sa “kapalaran” o “fate”. Ngunit, kung titingnan natin, ang anumang galing sa Diyos ay hindi lang basta “kapalaran” kundi “pagpapala” or “blessing”. Sa wikang Ingles, ang mga salitang ginagamit sa “Beatitude” ay “Blessed”, habang ang salitang Griyego sa isinaling “pinagpala” ay nangangahulugan na “masaya” o “maligaya”. Sa Sermon sa Bundok, ginamit ni Jesus ang salitang ito upang tumukoy sa higit pa sa isang mababaw na kaligayahan. Sa kontekstong ito, ang “pinagpala” ay tumutukoy sa isang estado ng espirituwal na kagalingan at kasaganaan. Ang kaligayahan ay isang malalim na kagalakan ng kaluluwa. At kung papansinin natin ang kada “Beatitude”, sinasabi na kailangan natin ang unang estado na matatagpuan sa umpisa ng pahayag, bago makamit ang ikalawang estado na nasa huling bahagi ng pahayag. Sinasabi na kailangan nating maging mga dukha, nagdadalamhati, maamo, gutom sa katuwiran, maawain, dalisay, mapayapa, at inuusig upang makamit ang kaharian ng langit, ang kaaliwan, ang magmana ng lupa, ang pagkabusog, ang awa, ang makita ang Diyos, at ang maging anak ng Diyos. Ang paggawa ng mga kabutihang ito ay bahagi ng daan ng kabanalan. Inilalarawan ng “beatitudes” ang daan tungo sa pagiging mga huwarang alagad at ang kaukulang mga biyaya na kaakibat nito. Kapwa sa kasalukuyan at sa hinaharap sa paggawa ng mabubuting asal. Ang uri ng tao na inilalarawan ni Jesus sa mga talatang ito ay may ibang katangian ng pagkatao at pamumuhay kaysa sa mga nasa labas pa ng kaharian. Tinatawag tayo na maging bahagi ng Kaharian ng Langit. Ang mga katuruang nabanggit ay ang angkop na daan patungo sa tunay na “pagpapala”.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




