Ebanghelyo: Mateo 5:13-16
Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao.
Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay inilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawain at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Ang konteksto ng unang pagbasa ay ang panahon na ang mga Israelita ay naninirahan na sa sariling lupain, nakapagpatayo na ng sariling bahay at sumasamba na sa kanilang templo. Subalit meron pa ring mga nakatagong pangaabuso lalo na sa mga mahihirap. Kaya hinihimok sila ni Propeta Isaias na maging liwanag sa komunidad sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa kapuwa tulad ng pagpapakain sa nagugutom, pagtanggap sa mga walang matirahan, at pagbibigay ng damit sa mga walang saplot. Magiging makahulugan ang kanilang pagsamba kung ito’y may kaakibat na mabuting gawa lalo’t higit para sa mga nangangailangan.
Ito rin ang tagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad, hindi lamang ang maging ilaw kundi maging asin ng sanlibutan. Sa mundo kung saan ang ugnayan ng tao ay naging mayapa dahil sa masamang hangarin, pangaabuso at hindi mabuting gawa, ang liwanag ni Kristo ay papagalabin at ang lasa ng asin ay mapalasap ng mga sumusunod kay Kristo sa sanlibutan. Paalala ng isang matandang pari sa isang batang pari, “Manatiling mapagpakumbaba. May lasa ang pagpapakumbaba.” Ang kababaangloob ang isa sa mahalagang katangian na turo ni Jesus sa kanyang mga alagad. Ayon kay San Antonio Maria Claret, ang kababaang-loob ang bukal ng lahat ng kabutihang-asal. Sa mundong naging sukatan ang kapangyarihan, yaman, at impluwensya na siyang dahilan ng kawalang katarungan, tayong mga Kristiyano ay marapat na manindigan upang maging asin at ilaw. Ayon kay San Pablo sa ikalawang pagbasa, panghawakan natin ang ating Kristiyanong pananampalataya sa pagsasabuhay at pagbabahagi ng mga katangian ni Jesus sa mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023