Ebanghelyo: Marcos 6:53-56
Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret at doon nila isinadsad ang bangka. Paglunsad nila ng bangka, nakilala si Jesus ng mga taga roon at patakbo nilang ipinamalita ito sa lupaing iyon. Kaya dinala nila ang mga maysakit na nasa higaan kung saan nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
Pagninilay
Nakilala si Jesus bilang tagapagpagaling sa kanyang ministeryo sa Galilea. Dinala ang mga maysakit upang kanyang mahawakan. Ang iba ay naniniwala na sila’y gagaling kapag mahawakan man lang nila ang laylayan ng kanyang damit. Gumaling sila sapagkat nanalig silang makapagpapagaling si Jesus. Samantala, ang mundo ay isang sugatan. Dahil sa pangaabuso ng mga tao, nasira ang kalikasan. Maraming tao ang maysakit hindi lamang sa pisikal na katawan. Mayroon ding sakit na espiritual – ang mga nalulumbay, mga nagiisa, at mga itinakwil ng lipunan. May mga sugatan ding relasyon bunga ng ‘di pagkakaunawaan at mga komunidad na nagkawatakwatak bunga ng personal na interes ng iilan. Ang mundo ay nangangailangan ng nakagagaling na presensya ni Jesus at ito rin ang tungkulin ng Kanyang mga tagasunod. Ang pagbibigay ng pansin at malasakit sa mga nangangailangan ay isang pagsaksi sa nakagagaling na presensya ni Jesus. Sa Eukaristiya, hindi lamang natin nahahawakan ngunit nakikibahagi sa nakagagaling na katawan ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023