Ebanghelyo: Mc 7: 1-13*
Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem. Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya. Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na ng mga Judio ang tradisyon ng kanilang mga ninuno at hindi sila kumakain nang hindi muna naghuhugas ng mga kamay. (…) Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Bakit hindi isinasabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Tama ang propesiya ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat na “Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman sa akin ang kanilang mga puso. Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.” Pinabayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao.” At sinabi ni Jesus: “Mahusay na pinawalangbisa ninyo ang salita ng Diyos para tuparin ang inyong tradisyon. Sinabi nga ni Moises: ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘patayin ang sinumang sumumpa sa kanyang ama o ina.’ Ngunit ayon sa inyo, masasabi ninuman sa kanyang ama o ina, “Inilaan ko na para sa Templo ang maaasahan ninyo sa akin.” At hindi na ninyo siya pinapayagang tumulong sa kanyang ama o ina. Kaya pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa tulong ng sarili ninyong tradisyon. At marami pa ang mga ginagawa ninyong ganito.”
Pagninilay
Salamat at hindi na ramdam ang dulot ng pandemya. Salamat din at kahit wala na ang covid-19 ay natutunan na at naging gawi na ng mga tao ang maglinis lalo’t higit ng mga kamay. Magandang gawi ang paglilinis ng katawan. Ito ay pag-iwas sa maraming sakit. Sa ebanghelyo ay isinalaysay ang kaugaliang paglilinis ng mga Eskriba at Pariseo. Nakatuon sila sa panlabas na kalinisan. Tinutuligsa ni Jesus ang kawalang malasakit sa panloob na kalinisan. Malinis nga ang mga kagamitan sa pagkain subalit nakakaligtaan ang panloob na kabanalan. Para kay Jesus, ang kabanalan nila ay bukambibig lamang. Ito ay sa bibig at hindi sa puso bumubukal. Hindi nalulugod ang Panginoon sa ganoong uri ng pagpapakabanal. Ito ay may kasamang pagbabalatkayo. Malinis ang kamay ngunit marumi ang puso. Maputi ang balat ngunit maiitim ang budhi. Tapos na nga ang pandemya ngunit napatatak na sa mga Pinoy ang kahalagahan ng paglilinis. Panlabas man ang nabigyang- pansin, may panawagan din na isaalang-alang ang panloob na kalinisan. Nakintal sa isip ng lahat na anumang oras ay maaaring pumanaw. Mahalagang maghanda sa kamatayan. Mahalagang magpakabanal. Dapat ay may malinis na hangarin at kalooban.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024