Ebanghelyo: Mateo 21:33-43, 45-46
Makinig kayo sa isa pang halimbawa: May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong pero ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at pinalayas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” Sinabi nila sa kanya: “Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon; pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.” At sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito. Nang marinig ng mga punong-pari at mga Pariseo ang mga talinhagang ito, naunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Jesus. Huhulihin na sana nila siya ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang propeta.
Pagninilay
“Aagawin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.” Ito ang naging pahayag ni Jesus na nagsilbing patama Niya sa mga Pariseo at punong-pari. Batid nila na iba ang kanilang ginagawa sa kanilang sinasabi. Sa kanilang pagnanais na maging magaling, hindi nila sinunod ang pamantayan ng Diyos na mahalin ang kapwa tao. Tinuring nila ang kanilang sarili na pawang maliliit na diyos. Kaya naman, pinapaalala ni Jesus na tayong mga tao sa lupa ay mga katiwala lamang. Hindi tayo ang may-ari ng ubasan. Hindi tayo ang bumuo, nagpagal itayo, at nagpalago ng mundo. Hindi tayo kundi ang Diyos. Inaakala natin na dahil tayo, ang tao, ang pinakamatalino at maalam sa lahat ng mga nilikha ay tayo na ang sentro ng mundo. Kaya nga ang kultura ng maraming tao ngayon ay naging anthropocentric. Ibig sabihin, isinentro ng maraming tao ang buong sangnilikha sa kanilang sarili. Tinatanggi nila na mayroong Diyos na mas higit na nakaaalam ng ating kabutihan at batayan ng tunay na pagmamahal. Kaya nagkaroon ng ateismo, agnostisismo, at relatibismo ay dahil ginusto nating tanggalin ang Diyos sa kabuuan ng buhay ng mundo. At sino ang ipapalit? Syempre ang sarili. Ang Diyos ang pinakadakila sa lahat ng nilalang. Kaya naman, alalahanin natin na mayroong Diyos. Siya ang may-ari ng ubasan at tayo ay mga hamak na katiwala na kaniyang pinagkatiwalaan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




