Ebanghelyo: Mc 7: 14-23
Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: “Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya. Makinig ang may tainga.” Pagkalayo ni Jesus sa mga tao, nang nasa bahay na siya, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhagang ito. At sinabi niya: “Wala rin ba kayong pangunawa? Hindi ba ninyo nauunawaan na sa bituka pumupunta ang anumang pumapasok sa tao mula sa labas? Sapagkat hindi sa puso ito pumapasok kundi sa tiyan at pagkatapos ay itinatapon sa labas.” (Sa gayo’y sinabi niya na malinis ang tanang mga pagkain.) At idinagdag niya: “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. Sa puso nga ng tao nagmumula ang masasamang hangarin – kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa, pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.
Pagninilay
Mula sa kaibuturan ng puso ay nagpapahayag ang bibig. Sa loob ng tao nagmumula alinman ang mabuti o masamang pananalita. Hindi ang pumapasok sa tao ang nagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas na galing naman sa puso – pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan at kahangalan. Dapat maging malinis ang puso upang malinis din ang mamutawi sa bibig ng tao. Kapag dalisay ang puso ay dalisay din ang pahayag ng bibig. Kapag puspos ng pagmamahal ang puso ng tao, mga salita rin ng pagmamahal ang kanyang sasambitin at ito ay mauuuwi sa mabuting gawa para sa minamahal. May mga taong lubhang maingat sa pagkain at mga lalagyan nito. Nakalimutan nila na may mas mahalaga na dapat pagtuunan ng pansin at linisin. Hindi magpaparumi ng kalooban ng tao kahit ang maruming pagkain na pumapasok sa kanyang bibig. Tanging ang loob ng tao ang pinaguugatan ng masama. Lumalabas sa bibig ang nasa puso. Mapanganib kapag marumi. Nakatutuwa kapag malinis.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024