Ebanghelyo: Marcos 6:30-34
Pagbalik ng mga apostol kay Jesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman niya sa kanila: “Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo’y marami ang paroo’t parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa kanila. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, nakita natin kung paano pinaninindigan ni Jesus ang Kaniyang misyon sa mundo. Sa halip na makaramdam ng inis o ng pagkayamot, si Jesus ay nakaramdam ng awa para sa mga
tao. Bakit? Kahit malayo ay sinadya ng mga tao na puntahan si Jesus at nagtiyaga sila sa gitna ng hirap ng paglalakad at pagbibiyahe upang Siya lamang ay makita. Parang isang peregrinasyon o pilgrimage, kung saan ang tinutukoy natin dito ay ang pagdalaw sa mga banal na lugar na dala sa puso natin ang pagnanais na makatagpo at makapiling tayo ng Diyos. Dito ay dala at itinataas natin ang mga problema, kasalanan, at agam-agam sa buhay. Ganito rin ang pakiramdam ng mga taong pumunta kay Jesus kahit gaano pa kalayo ang nilakbay nila. Sa halip na magreklamo na pagod na, o makaramdam ng “burn-out”, pinili pa rin ni Jesus na paglingkuran at turuan ang mga tao. Si Jesus ay tulad ng isang pastol na handang gabayan ang kaniyang kawan. Nawa’y tularan natin si Jesus na inuna ang pangangailangan ng iba bago ang kaniyang sarili.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




