Ebanghelyo: Mateo 5:13-16
Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao. Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay inilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawain at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Ang asin at ang ilaw ay mga bagay na praktikal at ginagamit para sa mga pang-araw-araw na buhay. Ang asin ay ginagamit sa pagkain at sa mga gamit sa kusina. Ang ilaw ay ginagamit sa bahay at para sa paggabay ng mga tao sa kadiliman o tuwing gabi. Tulad ng mga bagay na nagagamit sa araw-araw, ang asin at ang ilaw ay mga kasangkapan para sa ikayayaman ng ating karanasan. Sa pagtulad sa atin bilang asin at ilaw, pinapalalim nito ang tawag sa atin ni Jesus bilang mga tao, bilang pangunahing nilikha ng Diyos. Tayo ay mayroong natatanging responsibilidad bilang mga pinagkatiwalaang lingkod. Isa sa tawag natin ay ang mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos at pag-alabin ang mundo sa pagmamahal Niya. Kaya naman, ang pagiging mga asin at ilaw ay tumutukoy sa paraan ng pamumuhay kung saan tayo tinawag ni Jesus – na magkaroon tayo ng malalim na pananaw at pagpapahalaga sa mundo. Kaya ang imbitasyon sa atin ay sumunod sa Kanyang paraan, upang mamuhay ayon sa Kanyang mga halaga at saloobin, para sa ating kapakanan at ng buong sangkatauhan. Paano nating ito magagawa? Tayo ay magiging asin at ilaw ng mundo sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti. Ang mga mabubuting gawa natin ay ang magdadala ng liwanag ng Diyos sa isang madilim na mundo. Ito rin ang magbibigay lasa sa adhikain na mapabuti ang mundo. Ang mabubuting gawa na ito ay hindi para maakit ang atensyon ng mga tao sa ating sarili, kundi sa Diyos upang lahat tayo ay ‘magpuri sa Amang nasa langit’.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




