Ebanghelyo: Mc 7: 31-37
Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya roon ng isang bingi na halos di makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay. Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa langit, nagbuntung-hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan”. Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid. Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: “Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”
Pagninilay
Very Good! Iyan ang sinasabi ng isang guro kapag mataas ang score ng kanyang mga mag-aaral o ng mga magulang kapag mababait ang kanilang mga anak. Sa ebanghelyo, matapos mapagaling ni Jesus ang isang lalaking bingi at utal ay nasambit ng mga tao, “Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa.” Nagpapaalaala ito sa naganap sa paglikha na nasa Aklat ng Genesis. Nakita ng Diyos na mabuti ang kanyang ginawa at labis siyang nasiyahan. Tunay na napakabuti ng Diyos at napakabuti rin ng mga ginagawa niya sa ating buhay. Araw-araw ay nakakasaksi tayo sa mga kabutihang idinudulot ng Diyos sa atin. Buhay tayo at malakas. May hangin tayong nalalanghap. May tahanan, may pagkain at may inumin sa hapag. Maliwanag ang ating isipan. May angkang nagmamahal. May pananampalatayang taglay at pinanghahawakan. Isang maikling kuwento– Nagdarasal ang isang bata. Malapit na ang Pasko ay wala pa siyang natatanggap na regalo. “Panginoon, kailan mo ako bibigyan ng paPasko?” Wala man lamang regalong dumarating sa bahay. Nagsalita ang Diyos. “Kaninang umaga ay dalawang regalo ang binuksan mo. Iyon ay ang iyong mga mata.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





