Ebanghelyo: Mc 8: 1-10
Nang mga araw na iyon, marami rin ang sumama sa kanya at wala silang makain. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain at kung paalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.” Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay para pakainin sila sa ilang na ito?” Tinanong sila ni Jesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.” Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao. Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Jesus at iniutos na ihain din ang mga ito. Kumain sila at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso – pitong bayong. Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Jesus. Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad
at pumunta sa lupain ng Dalmanuta.
Pagninilay
Kung may pag-ibig, ang kakaunti ay labis pa. Pag-ibig ang nasa likod ng kuwento ng pagpaparami ng tinapay. Habag na may pagmamahal ang nadama ni Jesus nang makita niya ang mga tao. Tatlong araw na silang sumusunod sa kanya at nagugutom na. Kung pauuwiin sila ay baka mahilo sa daan. May problema— Pipito ang tinapay. Kakaunti iyon para mapakain ang lahat. Kailangan ang himala. Iyon ang himala ng pag-ibig. Sa ngayon ang mundo ay puno ng mga taong may maramot na puso. Ayaw nilang magkaloob ng biyayang galing naman sa Diyos. Sa madaling salita, ayaw nilang magbalikhandog. Kaya naman, iilan lamang ang nananagana. Mas marami ang naghihikahos. Walang himalang nagaganap dahil maraming maramot. Tayo ngayon ang dapat magbahagi upang makasaksi ng panibagong himala. Matutuhan sana natin ang tumulong at magbigay sa mga nangangailangan. Kapag naiabot na sila sa kanilang ga palad ang ating mumunting handog, mararamdaman din nilang sila ay mapapalad. Iyan ay panibagong himala.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





