Ebanghelyo: Marcos 7:24-30
Pagkaalis sa lugar na iyon, lumayo si Jesus patungo sa hangganan ng Tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. May isang babaeng nakabalita tungkol sa kanya. Inaalihan ng maruming espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Isa siyang paganong taga-Sirofenicia. At ipinakiusap niya kay Jesus na palayasin ang demonyo sa kanyang anak.
Sinabi naman ni Jesus sa kanya: “Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.” Kaya umuwi ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa
kama; lumabas na nga ang demonyo.
Pagninilay
“Patience is a virtue”, na tunay na mahirap gawin. Ang maging matiisin ay madaling sabihin kaysa gawin. Ngunit ang pagtitiis ay isang katangian na makatutulong sa atin na makamit ang ating layunin. Kung walang pagtitiis at tiyaga, mahirap matamo ang ating layunin sa buhay sa isang tapat na paraan. Ang pagtitiyaga at kapakumbabaan ng babae sa ebanghelyo ay ginantimpalaan; ipinagkaloob ni Jesus ang kanyang kahilingan. Maaaring hindi sagutin ng Panginoon ang ating panalangin nang sabay-sabay, ngunit sinasagot niya ito sa kanyang sariling panahon at paraan. Kung walang positibong tugon sa ating panalangin, iyon na ang kanyang sagot – hindi ipinagkaloob ang panalangin; ang hiniling natin ay hindi makabubuti para sa atin. Ang pagtitiis ay inaalalayan ng pananampalataya sa kabutihan ng Diyos. Alam niya kung ano ang pinakamainam para sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020