Ebanghelyo: Marcos 8:1-10
Nang mga araw na iyon, marami rin ang sumama kay Jesus at wala silang makain. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain at kung paalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.”
Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay para pakainin sila sa ilang na ito?” Tinanong sila ni Jesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.”
Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpirapiraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao.
Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Jesus at iniutos na ihain din ang mga ito.
Kumain sila at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso—pitong bayong. Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Jesus. Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta sa lupain ng Dalmanuta.
Pagninilay
Si Jesus ay nagdalang-habag para sa mga tao at pinagkaloob ang pagkain na kailangan nila. Ang tinapay na pinarami ni Jesus ay nagmula sa kung ano ang inihandog ng mga disipulo. Tayo rin ay mga disipulo na tinatanong ni Jesus, “Ilan bang tinapay meron kayo?” Bilang kanyang mga disipulo, tinawag tayong pakanin ang ating mga nangangailangang mga kapatid
upang tulungan silang ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay. Ang mga alagad ay nagbigay ng pitong tinapay. Ang pito ay numero ng pagiging
perpekto. May isang bagay na hinihingi ng Panginoon sa atin: ipagkatiwala natin sa kanya ang lahat sa atin. Kahabag-habag tayo kung isusuko lang natin sa harapan ng Panginoon ang kalahati ng ating buhay pananampalataya. Kahabaghabag tayo, lalo na sa lubos na nangangailangan, kung inilalagay natin ang pananagutan natin sa Diyos hindi sa kung ano ang maaari nating maialok. Hindi tayo dapat matakot: kapag ibinahagi natin ang kung anong meron tayo at ang ating buhay, gagawin ng Diyos ang Kanyang bahagi; kung ano ang ibinigay natin ay ibabalik din nang isang daang ulit. Lahat ng kung ano tayo at mayroon tayo ay kaloob ng Diyos. Ibahagi rin natin bilang mga regalo sa kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020





