Ebanghelyo: Mateo 5:17-37
Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigaykaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit. Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay lilitisin. Sinasabi ko naman sa inyo: Ang sinumang magalit sa kanyang kapatid ay lilitisin. Ang sinumang manuya sa kanyang kapatid ay lilitisin sa Sanggunian. At ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid ay nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos. Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo. Narinig na ninyo na sinabing: Huwag kang makiapid. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang tumingin nang may pagnanasa sa isang babae ay nakiapid na rin sa kanyang puso. Kaya kung ang iyong kanang mata ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, alisin mo ito at itapon! Makabubuti pa sa iyo na mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Kung ang iyong kanang kamay naman ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon! Mas makabubuti sa iyo ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Sinabi rin namang: Kung may makikipagdiborsiyo sa kanyang maybahay, bigyan niya ito ng katibayan. Ngunit sinasabi ko sa iyo: kung may magpaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa kawalang-katapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid din ang nagpapakasal sa babaeng diborsiyada. Narinig na rin ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin mo ang sinumpaang pangako sa Panginoon. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: huwag kayong manumpa sa ngalan ng Langit pagkat naroon ang trono ng Diyos, ni sa ngalan ng lupa pagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa, ni sa ngalan ng Jerusalem pagkat ito ang lunsod ng Dakilang Hari. Huwag kang manumpa ni sa ngalan ng iyong ulo pagkat ni hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isang hibla ng iyong buhok. Sabihin mong oo kung oo at hindi kung hindi. Ano pa mang sasabihin mo’y sa demonyo na galing.
Pagninilay
Sinabi ni Jesus na: “Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigaykaganapan.” Ibig sabihin, ang kaniyang misyon ay hindi upang salungatin ang ginagawa ng mga Hudyo. Pero bakit nga ba tilang lagi Siyang nakasalungat sa ginagawa ng mga eskriba at Pariseo? Ito ay dahil sa kaniyang pagbibigay kaganapan sa batas, hindi Niya ito ginagawa ayon sa batayan ng tao, kundi sa batayan ng Diyos. Ito’y sapagkat ang pagsunod ng mga eskriba at Pariseo sa batas ay mababaw. Gusto lamang nilang sundin ang letra, ngunit hindi and diwa ng batas. Kaya nga laging naikukumpara ang pagtigil ng mga Hudyo sa mga gawaing bukas-palad tuwing Sabbath sa pagnanais ni Jesus na sa araw ng Diyos, dapat mas lalong gumagawa ng mabuti. Dito lamang natin maiintindihan ang mga sinabi ni Jesus na: “Kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit”. Kaya naman, kung titignan natin ang ebanghelyo ngayon, tinatawag tayo ng Panginoon ng magkaroon ng pusong katulad ng kaniya. Nawa’y magkaroon tayo ng kaisipan, ng damdamin, pag-iisip, ugali na hinubog sa diwa ng mga aral at salita ni Jesus. Nang sa gayon, ang mga pagpili na gagawin natin ay tutugma sa kalooban ng Panginoon para sa ating buhay, at ang paraan ng ating pamumuhay ay magbibigaybuhay, kapwa para sa ating sarili at sa ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




