Ebanghelyo: Marcos 8:11-13
Dumating ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo sa kanya. Gusto nilang subukan si Jesus at humingi ng isang makalangit na tanda. Nagbuntunghininga siya at sinabi: “Bakit humihingi ng palatandaan ang lahing ito? Talagang sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito.” Kaya iniwan sila ni Jesus at sumakay sa bangka patawid sa kabilang ibayo.
Pagninilay
Narinig natin kung paano naging mapangahas ang mga Pariseo sa kanilang pagnanais na subukan at talunin si Jesus. Nais nilang bitagin si Jesus upang sila ay manaig na maitaguyod ang kanilang mga maling gawain. Kaya ipinahayag ni Jesus sa kanila na: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito.” Ang pahayag na ito ay hindi dahil sa kawalan ng pagmamahal ni Jesus para sa mga Hudyo. Ito ay dahil sa kanilang kakulangan ng pananampalataya. Kung titingnan natin ang paggalaw ng Diyos simula pa lamang sa Lumang Tipan, binigyan sila ng Ama ng dahilan para manabik at magdiwang, sapagkat mula sa linya ni Haring David magmumula ang Mesiyas, ang Tagapagligtas. Nang dumatin na si Jesus, sa halip na magkaroon sila ng mga bukas na puso na handang tumanggap sa Kaniya bilang ang dakilang tanda ng pag-ibig ng Diyos, nanghingi pa ang mga Pariseo at guro ng Batas ng iba pang uri ng tanda. Hindi nila nakita ang tanda na nasa kanilang harapan. Kaya nga mayroon tayong kasabihan na: “Huwag husgahan ang isang aklat sa pabalat lamang nito”. Kung patuloy tayong magbubulag-bulagan, hindi natin makikita ang dakilang tanda na pinadala sa gitna natin, si Jesus na Tagapagligtas nating lahat. Bilang mga mabubuting Kristiyano, nawa’y huwag nating kalimutan na tularan si Jesus at maging mulat tayo na mamalas ang kaniyang mga dakilang tanda.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




