Ebanghelyo: Lucas 9:22-25
Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.” Sinabi naman ni Jesus sa lahat: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan ng kanyang sarili alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?
Pagninilay
Maraming tao ang mayroong oryentasyon na dapat tayo ay maging matagumpay sa buhay o successful. Habang tayo’y lumalaki, sinasabihan tayo na mag-aral ng mabuti o mangibabaw sa isang uri ng laro o asignatura upang makakuha ng magandang trabaho balang araw. Marami sa atin ang pinagsabihing piliin ang mga kursong mayroong inaasahan na mataas o angkop na suweldo. Naging batayan ng pagiging matagumpay sa buhay ay ang pagkakaroon ng magandang bahay, kotse, at mamahaling mga gamit. Pero sa daan patungo sa matagumpay na buhay, mayroong mga pagkakataon na upang maging angat, kailangang may maapakan. Umiiral ang kasabihang “dogeat- dog world”. Ang ganitong pag-iisip ay hindi kumikilala sa kalooban ng Diyos. Sinabi ni St. Mother Teresa ng Calcutta: “God does not require that we be successful only that we be faithful.” Dito natin mas mauunawaan ang pagtawag ni Jesus sa atin: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin.” Hindi ito daan paakyat tulad ng pagiging matagumpay. Ito ay daan pababa tulad ng daan ni Jesus, na may lubos na kapakumbabaan na naglingkod. Nawa, tularan natin hindi ang daan ng mundo, kundi ang daan ni Jesucristo.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




