Ebanghelyo: Mateo 9:14-15
Noo’y lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pagaayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.
Pagninilay
Ano ba ang tunay na diwa ng pag-aayuno o fasting? Bilang isa sa tatlong gawain ng Kuwaresma, kasama ng pananalangin at ng pagiging bukas-palad, ang pag-aayuno ay bunga ng isa at pinagmumulan ng isa pa. Kasabay ng mataimtim na pananalangin ngayong Kuwaresma ang taos pusong pagtitika sa ating mga kasalanan at kakulangan. Bahagi nito ay ang pagsasakripisyo sa mga bagay na nakasanayan o nakahiligan natin, na nagdadala sa atin sa pag-aayuno. Pero ang pag-aayuno ay mayroong inaasahang bunga na maaaring naisasantabi o naiipon, na siya nating ibinabahagi sa ating pagiging bukas-palad. Kung titingnan natin, hindi natin magagawa ang pagaayuno nang walang pananalangin at pagkakawanggawa. Hindi rin natin magagawa ang magdasal at tumulong sa iba kung hindi tayo nag-ayuno o nagsakripisyo. Ang paanyaya sa atin ay isabuhay ang aral ng pag-ayuno lalo na ngayong Kuwaresma. Ang pag-aayuno ay hindi lamang pagtitimpi sa pagkain. Ito rin ay pagkakait sa ating sarili ng ilang mga bagay sa loob ng isang yugto ng panahon. Tinukoy ni Propeta Isaias na bahagi ng pag-aayuno ang pag-iwas mula sa lahat ng mga paraan ng pakikipag-ugnayan sa mga tao na pumipinsala at nangaapi. Hangad natin na ang gayong mga paraan ng pakikipag-ugnayan ay mapalitanng katarungan sa ngalan ng mga higit na nangangailangan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




