Ebanghelyo: Lucas 5:27-32
Pagkatapos nito, nang lumabas si Jesus, nakita niya ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya. Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang mga tao. Dahil dito’y pabulong na nagreklamo ang mga Pariseo at ang panig sa kanilang mga guro ng Batas sa mga alagad ni Jesus: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Sumagot naman si Jesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, hindi na nakapagtataka na itinuturing ang mga kolektor na mga makasalanan na dapat layuan ng mga mabubuting Hudyo. Gayunpaman, sinabi ni Jesus na ang Kaniyang pagmamahal, ang kaniyang misyon bilang anak ng Diyos at Mesiyas, ay yakapin hindi lamang ang mga matuwid, kundi pati ang mga makasalanan. Paano natin mababago ang puso ng isang tao kung ang binabahaginan lamang natin ng Mabuting Balita ay ang mga matutuwid ng lipunan? Hindi ba mas nakatutuwang malaman na nagbagong buhay ang isang makasalanan dahil sa pagtuturo ng Salita ng Diyos? Ito ang ipinupunto ni Jesus kaya winika Niya na: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.” Ang paanyaya sa atin ngayon ay gayahin si Levi. Sa kabila ng pagturing sa kanya bilang isang “makasalanan” at nilalayuan sa lipunan, nagkaroon siya ng bukas na kalooban at pagnanais na magbago. Kahit ang puso ng mga makasalanan ay maaari nating payabungin upang maging isang alagad ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




