Ebanghelyo: Marcos 9:30-37
Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagsimulang dumaan sa Galilea. Gusto niya na walang sinumang makaalam sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit pagkapatay nila sa kanya, babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. Hindi nila ito naintindihan at hindi rin sila nangahas magtanong sa kanya.
Pagdating nila sa Capernaum, nang nasa bahay na siya, tinanong niya sila: “Ano ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” At hindi sila umimik; pinagtatalunan nga nila sa daan kung sino ang mas una. Kaya naupo siya at pagkatawag sa Labindalawa ay sinabi sa kanila: “Kung may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat.” At pagkakuha niya sa isang maliit na bata, pinatayo ito sa gitna nila at inakbayan at saka sinabi sa kanila: “Ang sinumang tumanggap sa isa sa mga batang ito nang dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.”
Pagninilay
Nakakapanghinayang! Si Jesus ay bumaba mula sa Tabor, pinagaling ang epileptikong batang lalaki na hindi napagaling ng mga apostol, at nangusap siya tungkol sa kanyang sariling kamatayan. Nakita ni Jesus na ang kanyang plano ng kaligtasan ay nananatili sa mga butil ng kawalan ng tiwala at tahasang pagsalungat ng mga Pariseo. Ano ang gagawin niya? Ang mga salita at mga himala ay hindi sapat. Gayun pa man, ipinahayag ni Jesus na handa siyang magpatuloy kahit na mamatay siya. Ngunit ano ang sinabi ng mga apostol? Sino ang mauuna sa kanila sa Kaharian ng Mesiyas?
Hindi naunawaan ng mga alagad. Ngunit isinasaisang-tabi ni Jesus ang sakit na naramdaman, muli silang tinawag at tinuruan. Inilagay niya sa kanila ang isang maliit na bata bilang isang halimbawa. Sa tuwing tayo ay nawawalan ng pasensya sa kabagalan at kababawan ng iba, tandaan natin ang pagtitiis ng Panginoon na patuloy na nagbibigay ng pangalawa at pangatlong pagkakataon at nagtuturo sa atin na ang pagiging maliit ay daan sa kadakilaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020