Ebanghelyo: Lucas 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon at dito’y may mas dakila pa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.
Pagninilay
Marami tayong narinig na mga tanyag na tauhan sa Bibliya. Naroon si Jonas na nangaral sa mga taga-Nineve na magbalik loob sa Diyos, matapos na siya’y makulong sa bunganga ng isang malaking isda ng tatlong araw. Naroon ang Reyna ng Timog, ang sikat na reyna galing sa Ehipto o Yemen na naglakbay sa Jerusalem upang marinig ang karunungan ni Haring Solomon. Si Solomon ay itinangi sapagkat isa siya sa mga pinakakilalang hari sa kasaysayan dala ng karunungang bigay sa kanya ng Diyos. Ang mga nabanggit na mga tauhan ay mga kilala at magaling na tao. Ngunit sa lahat ng mga karakter na ito, “may mas dakila pa” sa kanila – walang iba kundi si Jesus. Si Jesus ay higit na dakila dahil sa malapit na kaugnayan Niya sa Diyos Ama. Si Jesus ay ang Anak ng Diyos. Ang kaugnayan ni Jesus sa Ama ay natatangi sa Kanyang sarili. Gayunpaman, naparito siya sa mundo upang ilapit tayong lahat sa Ama. Ibinuhos Niya ang Kanyang Espiritu, ang Banal na Espiritu, sa ating mga puso, upang tulad niya ay matawag natin ang Diyos na “Abba, Ama”. Kaya naman, tungkulin natin bilang mga Kristiyano na isabuhay natin ang relasyong iyon kay Jesus at mamuhay bilang kanyang kapatid sapagkat tayo ay mga mga anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





