Ebanghelyo: Mc 9: 2-10
Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. At nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila at kuminang na puting-puti ang kanyang damit, na walang makapaglalabang simputi niyon sa lupa. At napakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus.Kaya nagsalita si Pedro at kanyang sinabi: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Gagawa kami ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” Nasindak sila kaya hindi niya malaman kung ano ang sasabihin. At may ulap na lumilim sa kanila. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya.” At biglang-bigla, pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus na kasama nila. At pagbaba nila mula sa bundok, inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila hanggang makabangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay. Iningatan nila ang bagay na ito sa kanilang sarili pero nagtanungan sila kung ano ang pagbangon mula sa mga patay.
Pagninilay
May liwanag pagkatapos ng dilim. May tagumpay pagkalipas ng paghihirap. May luwalhati sa likod ng krus. Ito ang mensahe ng pagbabagong-anyo ni Jesus. Lubhang natakot ang mga alagad sa hulang maghihirap at mamamatay si Jesus. Kinailangang palakasin ang kanilang loob. Ang pagliliwanag ni Jesus ay patikim ng kanyang Muling Pagkabuhay. Tila sinasabi sa mga alagad na huwag silang matatakot dahil pagkatapos ng paghihirap ng Panginoon ay sasapit ang kaluwalhatian. Siya ay muling mabubuhay. Ito ang buhay-Kristiyano. Hindi palaging pagsubok at pagdurusa. Mayroon ding ligaya at tagumpay. Hindi ka palaging tumatangis. Darating ang panahon na ikaw ay hahalakhak. Hindi nananatili sa kagipitan. Darating din ang kasaganaan. Hindi palaging nabibigo. Sasapit din ang tagumpay at pagbubunyi. Hindi natatapos ang buhay sa Biyernes Santo. Mayroong Linggo ng Pagkabuhay. Ang ebanghelyo ay nagsisilbing kadluan ng lakas at pag-asa. Kailangan munang magpasan ng krus bago dumanas ng kaluwalhatian. Tama si Obispo Fulton Sheen, “No one shall be crowed unless he has first struggled. No halo of merit rests suspended over those who do not fight.” Gulong ng palad ang buhay. Minsan ay nasa itaas ng tagumpay ngunit minsan ay nasa ibaba ng kabiguan. Maganda ang paalaala si San Gregorio Magno, “The memory of the gift will temper the pain of the affliction.” Sa panahon ng pagsubok, ang alaala at pag-asam sa pagpapala ay nagsisilbing lakas. Patuloy ang pakikibaka ng tao. Mula pagkabata hanggang sa pagtanda, mula sa pagsilang hanggang sa paglisan sa mundo ay magkasunod na dumarating ang paghihirap at tagumpay. Wika ni Kahlil Gibran, “Ang lungkot at ligaya ay hindi mapaghihiwalay.” Kung gaano karaming luha sa panahon ng kalungkutan ay ganoon din karami ang halakhak sa panahon ng kasiyahan. Ang hirap ng paghahasik ay mapapalitan ng galak ng pag-aani. Ang pawis sa pagtakbo ay hahalinhan ng ginhawa ng pagwawagi. Ang hirap sa pag-aaral ay papawiin ng diploma ng pagtatapos. Nagbagong-anyo si Jesus upang ihudyat ang tagumpay ng Muling Pagkabuhay. Simula noon ay matapang na ang mga alagad. Alam na nila na matapos silang magpasan ng krus dahil sa pagsunod kay Kristo ay makakahati sila sa luwalhati ng kanyang Muling Pagkabuhay. Ganoon din ang inaasahan sa ating lahat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024