Ebanghelyo: Mt 23: 1-12
At sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan, sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitang-tao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.
Pagninilay
Makahulugan ang sal ita ngunit makapangyarihan ang halimbawa. Totoo ang kasabihang “actions speak louder than words.” Tinuligsa ni Jesus ang mga Eskriba at Pariseo dahil magaling silang mangaral ngunit hindi nila ito isinasabuhay. Mahalaga ang pagsaksi. Ito ang pahayag ni San Paulo VI, “Modern men listen more to witnesses than to teachers.” Mas kapanipaniwala nga ang mga taong may magandang halimbawa at saksi sa kanilang ipinapangaral. Napakarami nang nangaral sa pamamagitan ng salita na hindi nakapagpabago ng kapwa. Mga taong katulad ni Sta. Teresa ng Calcutta ang kinailangan upang maipangaral ang mensahe ng pag-ibig ng Diyos, hindi sa salita kundi sa magandang halimbawa. Ang kabanalan at kumikilos na pagmamahal ay walang kapantay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024