Ebanghelyo: Mt 20: 17-28*
(…) Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang
buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay
Isang batang paslit ang humihingi ng patalim sa kanyang ama. Tumanggi ang ama habang pabulong na sinasabi, “Hindi mo alam ang iyong hinihingi.” Ganoon din ang tugon ni Jesus sa magkapatid sa Santiago at Juan. Nauna rito ay hiniling ng kanilang ina na sila ay maupo sa gawing kanan at kaliwa ng Panginoon. Sa ating pananalangin ay madalas ding mangyari na hindi natin alam kung ano ang ating hinihingi sa Diyos. Hindi natin unawa ang masamang ibubunga nito. Humihingi tayo ng yaman na siya palang magbabago sa ating pakikitungo sa kapwa. Magigi tayong sakim at mapanghamak sa ibang tao. Ang hingin natin ay yaon lamang makabubuti sa atin. Ganyan ang magandang dasal. Sabihin natin sa Diyos na bahala na siya sapagkat alam naman niya ang makatutulong sa atin. Huwag na huwag nating pangunahan ang Panginoon. Baka sabihin niya, “Hindi mo alam ang iyong hinihingi.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2024