Ebanghelyo: Lucas 5:1-11
Minsan, dinagsa si Jesus ng napakaraming taong nakikinig sa salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo nang kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao.
Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog ninyo ang inyong mga lambat para humuli.” Ngunit sumagot si Simon: “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.” At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon.
Nang makita ito ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Jesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na mga kasama ni Simon.
Ngunit sinabi ni Jesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” Kayat nang madala na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.
Pagninilay
May mga panahon na dumarating sa ating buhay na kahit gaano pa tayo kagaling, may mga bagay na hindi natin hawak o kontrolado. Gaya sa kuwento sa Ebanghelyo, bihasa sila Simon Pedro pagdating sa pangingisda. Sa buong magdamag nilang pagpapalaot ay wala silang nahuling isda. Kaya’t nadatnan sila ni Jesus na naglilinis ng kanilang mga bangka. Ginamit itong pagkakataon ni Jesus na hingin ang kanilang oras at gamitin ang kanilang bangka habang siya ay nagtuturo sa mga tao. Matapos ang kanyang pangangaral ay inutusan niya sina Simon Pedro na magbalik sa tubig at muling ihagis ang kanilang mga lambat. Hindi nakipagtalo pa si Simon, mabilis na sinunod ang utos ni Jesus. Sa kanilang pagkamangha, sobrang dami ng isdang kanilang nahuli. Ito ay magandang paalala rin sa atin. Hindi kabawasan sa pagiging magaling kung matuto ka ring makinig sa sinasabi ng iba. Hindi rin naman masama kung tatanggapin natin paminsan-minsan na mayroon ding magandang “ideas” ang ibang tao. Kailangan lang nating ibaba ang ating “pride” at matutong sumunod sa ibang tao kahit gaano pa tayo kagaling. Sa harapan nang Diyos wala tayong pwedeng ipagmalaki. Sadyang may mga pagkakataon na tanging ang Diyos ang dapat nating pakinggan at sundin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022