Ebanghelyo: Lucas 4:16-30
Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias.
Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat
ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t
ito ang anak ni Jose?” Nagsalita si Jesus sa kanila: “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kasabihang: ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili! Gawin mo rin dito sa iyong bayan ang mga bagay na narinig naming ginawa mo sa Capernaum’.” At idinagdag niya: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng balo ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring mayketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.
Pagninilay
“Ang mga biyaya ng Espiritu Santo.” Sa Lumang Tipan, ang mga
propeta at hari na pinili ni Yawe upang maglingkod sa kanyang bayan ay pinapahiran ng langis tanda ng paghirang at pagsusugo sa kanila. Sa ebanghelyo, hindi langis ang ipinahid kay Jesus, kundi ang presensiya ng Banal na Espiritu. Sa katunayan, sa umpisa pa lang ng buhay ni
Jesus, napuspos na ng Espiritu si Maria at si Maria ay naglihi lalang ng Espiritu Santo. Sa pasimula nang kanyang misyon, muling pinuspos si Jesus ng presensiya ng Banal na Espiritu at binigkas niya ang kanyang misyon: Ihatid ang mabuting balita: sa mga bilanggo, sila ay lalaya; sa mga
bulag, sila ay makakakita; sa mga pilay, sila’y makakalakad; sa mga inaapi, sila giginhawa! Noong tayo ay bininyagan sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Diyos Espiritu Santo, tayo’y nakibahagi sa misyon ni Jesus. Dahil sa kanya, tayo ay naging propeta at tagapagsalita ng Diyos sa harap ng mga tao. Dahil kay Jesus, tayo ay naging saserdote at pari ng Bagong Tipan na hinahamong ialay ang ating buhay, lakas at kakayahan para sa kapwa. Dahil kay Jesus,
tayo ay naging haring lingkod na marunong magpakababa at maglinisng paa ng ating mga kapatid sa larangan ng paglilingkod. Hindi ito madaling gawin subalit nariyan ang mga biyaya ng Espiritu Santo upang magampanan natin ang ating misyon at mga gawain.
© Copyright Pang Araw-araw 2025