Ebanghelyo: Lucas 4:31-37
Bumaba siya sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas: “Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!” Ipinag-utos naman sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. Nagtaka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Nakapaguutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!” Kayat kumalat ang usap-usapan
tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.
Pagninilay
“Ang dilim ng kasalanan.” “Ngunit hindi naman kayo sa kadiliman, mga kapatid; kaya hindi kayo daratnan nang araw na iyon na parang isang magnanakaw. Mga taong-liwanag at taongaraw kayong lahat.” Ang personal
na karanasan ni Saulo ay mula sa kadiliman ng pagkabulag tungo sa liwanag ng isang apostol ni Jesus. At ito rin ang hamon niya sa mga Kristiyano: si Jesus ang liwanag ng sanlibutan at sinumang lumalakad
kay Jesus ay hindi lalakad sa kadilimaan kundi lalakad sa liwanag at katotohanan. Ano ang peligro kapag lumalakad tayo sa kadiliman? Malamang matisod tayo ng malaking bato o punong natumba na hindi natin nakita sa kadiliman ng gabi. Maari rin namang mahulog tayo sa bangin o isang lambak dahil sa madilim. Maaari din na madisgrasya tayo sa
mababangis na hayop na nagtatago sa kadiliman tulad ng ahas, alakdan, at iba pa. Sa liwanag ng araw, mas ligtas tayong makapaglalakad at makapupunta saan man nais nating puntahan. Ang dilim sa teolohiya ni San Pablo ay ang dilim ng kasalanan, ang dilim ng mundong makasalanan, at ang dilim ng mga kasinungalingan. Kapatid, gusto mo pa bang maglakad
sa dilim?
© Copyright Pang Araw-araw 2025