Ebanghelyo: Lc 6: 1-5
Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa bukirin ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”
Pagninilay
Maraming paghihirap, pagsubok, at sakripisyo ang naranasan ni San Pablo matapos niyang makilala ang Panginoong Jesus. Ang apostol ng mga Hentil ay nakulong, naglakbay sa iba’t-ibang lugar, nakaranas ng kung anu-anong paghihirap sa katawan gaya ng pambubugbog, gutom at uhaw, pambabastos, paguusig, siniraan, iniwan ng ilan sa kaniyang naging kasama, atbp. Sa pagbasa, mapapansin natin na hindi nag-atubiling tawagin ni San Pablo ang kanyang sarili na “tanga dahil kay Kristo.” Ayon sa mga iskolar ng Biblia, ito marahil ay sanhi ng mababang pagtingin ng mga taga Corinto kay San Pablo. Para sa kanila, kulang sa makamundong katalinuhan ang apostol at hindi magaling sa pananalita. Ang lahat ng kanyang karanasan bilang mamamahayag ng Mabuting Balita ni Kristo ay hindi naging hadlang upang gawin ang misyon na tinanggap niya mula sa Diyos at sa iba pang mga apostol ng Simbahan. Kailangang-kailangan sa panahon ngayon ang taong kagaya ni San Pablo. Bilang apostol ni Kristo, wala siyang inuurungan at patuloy lang siya sa pagkilos dahil alam niya na ang lahat ng paghihirap sa mundong ito ay walang ikatutumbas sa kaluwalhatiang mararanasan sa kaharian ng Diyos. San Pablo, apostol,
© Copyright Pang Araw-Araw 2024