Ebanghelyo: Lucas 6:20-26
Tumingala noon si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi: “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon sapagkat tatawa kayo. Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang
ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta. Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa!
Sawimpalad kayong mga busog ngayon sapagkat magugutom kayo! Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak! Sawimpalad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.
Pagninilay
“Liwanag at Dilim.” Madalas gamitin ni San Pablo ang “Tension of the Opposites” upang ipaliwanag ang buhay- Kristiyano: liwanag at dilim, Malaya at Alipin, makalupa/makalaman at makalangit. Dalawang estado
ng buhay na magkalaban. Ang hamon sa isang Kristiyano ay ang maglakbay mula sa dilim tungo sa liwanag, mula sa pagka-alipin tungo sa kalayaan ng mga anak ng Diyos, mula sa makalupang pagnanasa tungo sa makalangit
na buhay. Batid ni Pablo na hindi ito madali. Sa Sulat sa mga Roma (chapter 7) kanyang isinalaysay ang kanyang karanasan: “Alam nating ang Kautusan ay espiritwal, ngunit ako’y makasalanan at alipin ng kasalanan. Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto ko, sa halip ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa…” Siya rin ang sumagot sa kanyang katanungan: “Sino ang magliligtas sa akin? Walang iba kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Panginoon!” Inamin ni Pablo sa sarili lamang niya, hindi niya kayang labanan ang makalupang
pagnanasa, kailangan niya ang biyaya at pagkilos ng Espiritu ni Kristo.
© Copyright Pang Araw-araw 2025