Ebanghelyo: Lucas 6:43-49
Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting
bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At sinasabi nga ng bibig ang umaapaw mula sa puso. Bakit pa ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko? Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. May isang taong nagtatayo ng bahay, na
humukay nang malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon pero wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon. At kung may nakaririnig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”
Pagninilay
“Ano ang ipinupunla natin?” Ang mga talinghaga ay hinango sa karanasan ng mga tao bilang magsasaka, bilang pastol, bilang mangingisda, bilang Hari at mga nasasakupan, at bilang guro sa kanyang mga mag-aaral. Ang
aking mga ninuno ay magsasaka ng palay at gulay sa Bulakan. Lumaki ako sa bukid at nakita ko ang mga hakbang sa pagtatanim, pangangalaga, at pag-aani ng mga itinamin. Kung palay ang ipinunla, natural na palay ang aanihin. Kung maganda ang binhi, malamang na maganda rin ang aanihin.
Subalit kung ang itinamin ay nahaluan ng ipa, mga maliliit na bato, mga damo, ito ay may epekto sa aanihin. Ang mga salita ni Jesus ay panawagan sa mga magulang na maging maingat sa pagpapalaki sa kanilang mga anak. Kapag mabuti ang mga magulang, walang bisyo, walang pagpapabaya, alam ang mabuting pagmamagulang, malamang na maging mabuti rin ang mga anak. Tutularan nila ang kanilang mga magulang. Kung mayroon silang
malalim na pananalig sa Diyos, ito ay makukuha rin ng mga anak. Kung bukas palad silang tumulong sa mga nangangailan, malamang na makuha rin ito ng mga anak at maging matulungin sa mga dukha. Mga magulang at guro, ano ba ng ipinupunla natin?
© Copyright Pang Araw-araw 2025