Ebanghelyo: Lucas 8:1-3
Pagkatapos ay naglibot si Jesus sa bawat lunsod at bayan na nangangaral at ibinabalita ang kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at ilang mga babae na pinagaling sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinaguriang Magdalena, na nilisan ng pitong demonyo, si Juana na asawa ni Kusa na katiwala ni Herodes, at si Susana at iba pang naglilingkod sa kanila mula sa kanilang kaya.
Pagninilay
Ang bawat tagumpay ng isang pelikula at stage play o anumang palabas, bagama’t malaking bahagi nito ay nakasalalay sa mga “artista” na gumanap, pero hindi naman dapat balewalahin ang mga tao sa likod nito o mga tinatawag na “backliners.” Ito ‘yong mga “behind the scene” na mga tauhan, na kung hindi dahil sa kanila ay hindi magiging matagumpay ang bawat palabas. Gayundin naman, binabanggit sa Ebanghelyo ang mga alagad na naglilingkod sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangangailangan nila Jesus at nang kanyang mga alagad. Ito ang mga kababaihan na ginamit ang kanilang mga ari-arian para suportahan ang kanilang mga gawain saan man sila pumaroon. Magandang paalaala rin ito sa atin ngayon upang mas pagnilayan ang ginagawa at ibinibigay nating mga pagtulong. Malinaw ba sa atin ang mga dahilan kung bakit natin ito ginagawa? Nawa’y ipagpatuloy natin ang ating pagbibigay tulong sa mga tao kahit na hindi tayo pinapalakpakan at napapansin ng mga tao. Maging kaligayahan nawa natin na makatulong sa kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022





