Ebanghelyo: Lucas 8:4-15
Napakakapal na tao ang nagkakatipon dahil pinupuntahan si Jesus ng mga tao mula sa kani-kanilang mga bayan. Kaya nagsalita siya sa talinhaga: Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan at tinapak-tapakan at kinain ng mga ibon sa langit. Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig. Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at sa sabay nilang paglaki, sinikil ito ng mga tinik.
Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga nang tig-iisang daan.” Pagkasabi nito’y sumigaw siya: “Makinig ang may tainga.”
At tinanong siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. Kayat sinabi niya: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Diyos, at sa iba nama’y sa mga talinhaga lamang para tumingin sila at hindi makakita, makinig at hindi makaunawa.
Ito ang kahulugan ng talinhaga. Ang binhi ay ang salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakakarinig nito pero agad namang dumarating ang diyablo; inaagaw niya ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig at maligtas. Ang mga nasa batuhan ay ang mga nakakarinig na masayang tinatanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso.
Ang nahulog naman sa mga tinikan ay ang mga nakakarinig ngunit sa pagpapatuloy nila’y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kaya hindi sila nakapagbunga. Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakarinig sa salita at iniingatan ito nang may dakila’t mabuting loob at nagbubunga sila sa kanilang pagtitiyaga.
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, inihalintulad ang Diyos sa isang manghahasik ng binhi. Ang paraan ng paghahasik noon ay isinasaboy ito. Ang hindi naman dapat masabuyan ng binhi ay natatamnan pa rin. Ipinakikita rito ang isang katangian nang Diyos – Napakamapagbigay. Hindi niya iniisip na masasayang ang mga binhi kapag nahulog sa tabi ng daan, sa batuhan at mga tinikan. Nagsasaboy ang Diyos ng biyaya sa lahat. Ang tao ang tumatanggap ng “binhi”, ang Salita na ibinibigay ng Diyos sa atin. Sa isang taong marunong makinig ng salita, labis-labis ang kanyang pagpapala. Ngunit sa taong madalas binabalewala ang mga Salita ng Diyos, ang magiging tingin niya sa buhay ay puro hirap. Paghihirap na bunga ng pagkukulang sa kanya ng Diyos. Nawa ay mabuksan natin ang ating mga tenga sa pakikinig ng Salita ng Diyos. Ito ang magsasabi at magtuturo sa atin kung paano guminhawa ang ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022




