Ebanghelyo: Lucas 16:1-13
Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’
At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’
Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may-utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: “Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo; maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: Walundaan.”
Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di-matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag. Kaya sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo ang di-matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan.
Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay di rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di-matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na hindi talaga sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng talagang inyo?
Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, hinangaan ng may-ari ang kanyang katiwala sa diskarteng kanyang ipinamalas matapos na malaman nito na siya ay tatanggalin na sa trabaho. Huwag tayong mag “focus” sa kanyang pagiging di mabuting katiwala, dahil hindi iyon ang nais na ituro sa atin. Ang pandaraya ay isang maling gawain na nagdudulot nang pagkakasala ng tao. Nasabi ni Jesus na mas matalino ang mga taong makamundo kaysa mga nagsasabing mga taong simbahan sila. Mas matalino, ibig sabihin talagang nag-iisip ng paraan upang guminhawa ang kanilang buhay. Imbes na magreklamo, bakit hindi na lang natin isiping mabuti kung paano tayo makakaahon sa hirap. Bakit hindi na lang natin isipin kung paano makakadiskarte sa buhay? Kadalasan, kapag kumikita tayo ay ubos-ubos biyaya. Bili nito, bili niyan. Hindi natin iniisip kung alin ang mas mahalaga, kung kaya’t hindi tayo nakakapag- tabi para sa kinabukasan. Puro gastos at kapag may mga matinding pangangailangan ay wala nang madudukot. Dahil dito, isisisi na naman natin sa Diyos ang ating mga kawalan. Ngayon pa lang, isipin nating mabuti kung paano ang kinabukasan. Bagama’t hindi nauubusan ng mga biyayang ibinibigay, isipin din natin na nais ng Diyos na mas magiging matalino tayo sa paghawak ng mga biyayang natatanggap natin. Pahalagahan ito at pakaingatan dahil hindi natin alam kung ano at kailan tayo susubukin sa ating pananalig sa Diyos. Maging mga matatalinong katiwala nawa tayo sa harap ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022




