Ebanghelyo: Lucas 8:16-18
Walang nagsisindi ng ilawan at tinatakpan ito ng palayok o inilalagay sa ilalim ng higaan. Ipinapatong ito sa patungan para makita ng mga pumapasok ang liwanag. Walang nalilihim na di mabubunyag ni natatakpan na di mahahayag at malalantad. Kayat isip-isipin ninyo ang inyong naririnig dahil bibigyan pa nga ang mayroon at ang walang-wala naman, kahit na ang akala niyang kanya, ay aagawin sa kanya.”
Pagninilay
Ang ilaw ay mahalaga lalo na kapag madilim ang paligid. Ang liwanag na ibinibigay ng ilaw ay nagsisilbing gabay ng mga tao kapag sila ay may hinahanap at kapag siya’y maglalakbay upang makita ang dinaraanan. Kaya ang liwanag ay hindi dapat itinatago. Sa halip, ito ay dapat inilalagay sa isang patungan upang mas magamit ang silbi nito sa mga tao.
Tayo ay pinaaalalahanan, na ang ating mga natutunan ay magsilbing liwanag sa ating pakikipag-kapwa tao. Nababalewala ang kaalaman ng isang tao kung ito ay hindi niya ibabahagi sa kapwa, lalo pa’t kung ang mga ito ay naghahanap ng tamang direksyon sa buhay.
Bilang mga ilaw, dapat tamang liwanag ang ating ibinibigay. Kapag walang liwanag, sila ay madadapa. Kapag sobrang liwanag naman, madadapa rin dahil sa pagkasilaw. Mahalaga na matuto tayo kung kailan at paano gamitin ang ating mga “ilaw” para sa ikabubuti ng mga taong umaasa sa ating paggabay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022




