Ebanghelyo: Lucas 9:43b-45
Nang lubos na nagtataka ang lahat dahil sa mga ginagawa ni Jesus, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Itanim ninyong mabuti sa inyong pandinig ang mga kataga kong ito: ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao.” Hindi nila naintindihan ang pahayag na ito at nalingid ito sa kanila upang hindi nila maunawaan. At takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa pahayag na ito.
Pagninilay
Madalas na nakikita natin sa mga social media post, lalo na sa facebook, na kapag may nagpopost ng mga “items” na ibinibenta online, kapag may nagtatanong ng mga presyo, ang nababasa nating sagot ay “PM is the key”. (PM ay Private message). Kung nais malinawan tungkol sa produkto, magmessage lang sa nagpost ng personal at ito ay kanyang sasagutin.
Ito rin marahil ang maaari nating matutunan sa Ebanghelyo ngayon. Nang sabihin ni Jesus ang mga bagay na mangyayari sa hinaharap tungkol sa Kanya, hindi ito naintindihan ng mga alagad. Hindi rin naman sila lumapit kay Jesus at nagtanong upang lubos na maunawaan ang mga bagay na sinabi niya. Ito ang madalas na nagiging sanhi ng hindi pagkakasunduan. May mga bagay na gusto mong maunawaan o maintindihan pero ayaw nating magtanong, na nauuwi na lang sa pagtatalo o kaya naman sa hiwalayan, dahil lamang hindi natin maintindihan ang isa’t isat. “PM is the Key”. Lumapit ka at magtanong sa Diyos at ipapaunawa Niya ang napakaraming bagay na gumugulo sa ating isipan at sa ating mga buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022